Pag-asa at Paghilom: Pakikibuklod ng Imus sa Pambansang Buwan ng Sining 2022

Pag-asa at Paghilom: Pakikibuklod ng Imus sa Pambansang Buwan ng Sining 2022

Isang pagpupugay para sa mga alagad ng sining sa Imus ang inihandog ng Pamahalaang Lungsod sa pagdiriwang ng National Arts Month 2022 noong ika-16 ng Pebrero.

Sa temang “Pag-asa at Paghilom: Mga Sining sa Imus,” pinangunahan ng City Tourism and Development Office (CTDO) ang birtuwal na pagtatanghal ng anim na Imuseñong alagad ng sining upang magbigay inspirasyon at mag-alok ng kanlungan mula sa pagkahapo sa buhay dulot ng pandemya. Bilang bahagi ng legasiya ni Mayor Emmanuel Maliksi, inilunsad din ang Directory of Imuseño Artists and Art Professionals sa opisyal na website ng lungsod: imus.gov.ph. Layunin nito na mapagbuklod-buklod at mas mabigyan ng pagkakakilanlan ang mga Imuseñong inialay ang kanilang buhay sa sining.

Ibinahagi nina Bb. Ana Marie Sioson Topacio, mang-aawit at namamahala sa music ministry ng Katedral ng Imus; G. Ariel Constantino, bandmaster ng Imus Youth Symphonic Band; G. Andre Constantino, musikero at clarinetist; G. Ulysess Dimdam, potograpo; G. James Frani Dayrit, metal art sculptor; at G. Richard Buxan, isang metal art sculptor, ang kanilang mga natatanging talento at kwentong pag-asa bilang mga alagad ng sining sa gitna ng pandemya. Sa kabila ng pagkakaiba ng kanilang mga karanasan, ang alab na nararamdaman ng mga ito sa paglikha ang naging daan upang malampasan ang mga hamon ng panahon.

Inalala rin sa selebrasyon ng Pambansang Buwan ng Sining ang isa sa mga haligi ng modernong sining, ang iskultor at Imuseño na si G. Solomon Saprid. Ang likha ni G. Saprid na monumento ng GomBurZa sa Intramuros, Manila ay kinilala ng National Historical Commission of the Philippines bilang ikapitong Pambansang Monumento. Bukod sa pagiging isang iskultor, naging kasapi rin siya sa Filipino-American Cavite Guerilla Forces noong panahon ng mga Hapon. Isang patunay ng dedikasyon ng iskultor hindi lamang sa sining — ngunit pati na rin sa kapakanan ng kaniyang bayan.

Sa kasalukuyan, mayroong 37 rehistradong alagad ng sining sa Imus City Artist Registry. Ang mga nais maging kasapi nito ay maaaring makipag-ugnayan sa CTDO sa pamamagitan ng imuscity.artistregistry@gmail.com.

Humahanga at patuloy na sumusuporta ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa galing at talento ng mga alagad ng sining, hindi lamang sa mga anak ng Imus, ngunit maging sa buong bansa. Galing ng Imuseño, iwagayway!

Add Comment