Paggawad ng Safety Seal Certificate sa mga Pampublikong Tanggapan sa Imus, Sinimulan na!

Ang Bureau of Fire Protection Provincial Office ang kauna-unahang tanggapan ng gobyerno na binigayan ng Safety Seal certification. Sinundan naman ito ng Barangay Poblacion IV-C, Poblacion II-A at Toclong I-C.

Sa pagpapaigting ng mas ligtas na mga tanggapan ng gobyerno, una nang nabigyan ng Safety Seal certification ang Bureau of Fire Protection Provincial Office, sa pangunguna ni Provincial Director Supt. Rene Bullos noong ika-9 ng Hulyo kasunod ng paggawad sa tatlo (3) pang barangay sa Imus.

Ang mga barangay na ito ay kinabibilangan ng Barangay Poblacion II-A sa pangunguna ni Punong Barangay Jose Arnel Osteria, Poblacion IV-A sa pamumuno ni Punong Barangay Perpetua Figueras, at Toclong I-C  sa ilalim ng pamumuno ni Punong Barangay Rene Escobar.

Ang pagkakaroon ng Safety Seal ay patunay na kumpleto sa mga kagamitan at sumusunod ang mga tanggapan sa minimum public health standards ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) upang masiguro ang kaligtasan ng mga Imuseño habang nagsasagawa ng mga transaksyon sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Alinsunod ang Safety Seal Certification Program sa IATF Resolution No. 87 na nilagdaan noong ika-3 ng Disyembre. Ito ay karagdagang solusyon bukod sa StaySafe.ph upang maiwasan ang lalong pagkalat ng Covid-19 sa muling pagbubukas ng ekonomiya at ng mga tanggapan sa bansa.

Ayon kay Punong Lungsod Emmanuel Maliksi, mahalaga ang pagkakaroon ng Safety Seal ng isang tanggapan sapagkat tumataas ang kumpiyansa ng publiko na ligtas magtungo at makipagtransaksyon dito. Dagdag pa niya, tumataas din ang kapasidad ng mga establisimento upang makapagbigay ng serbisyo sa higit pang bilang ng mga Imuseño.

Ang inspeksyon at pag-isyu ng Safety Seal ay nasa pamamahala ng Department of the Interior and Local Governance (DILG) Inspection at Certification Team na pinangungunahan ni Imus CLGOO Mel Villaruel, kabilang sina Chief of Police PLTC Gerald Dee ng Imus Philippine National Police (PNP), at Fire Marshall C/Insp. Hazel Olga delos Reyes ng Bureau of Fire Protection (BFP) – Imus.

Katulad sa mga pribadong institusyon at mga negosyo, ginagawaran ng Safety Seal ang isang tanggapan ng gobyerno kung ito ay kumpleto sa kagamitan tulad ng StaySafe.ph contact tracing app, temperature check, health declaration form, handwashing stations, physical barrier, sapat na bentilasyon, isolation area para sa mga symptomatic o suspected case, at mga nakapaskil na paalala sa minimum public health standard tulad ng pagsuot ng face mask at face shield at physical distancing.

Kinakailangan din ang regular na pagsasagawa ng disinfection, at pagtatalaga ng safety officer na siyang nagpapaalala sa mahigpit na pagsunod sa mga protocol para sa mga kawani.

Bago bisitahin ng inspection team ang tanggapan, magsasagawa muna ito ng self-assessment o pagsusuri kung nasusunod nito ang mga nakapaloob sa checklist o Means of Verification (MOVs) na itinalaga ng DILG.

May bisa ang sertipikasyon na hanggang anim na buwan at maaaring i-renew isang buwan bago mawalan ng bisa. Magkakaroon din ng regular monitoring at maaaring bawiin ang Safety Seal sa oras na matiyak na hindi sumusunod ang tanggapan sa mga protokol.

Sa pagkakaroon ng Safety Seal ng mga pampublikong tamggapan sa Imus, inaasahang patuloy na mahihikayat ang iba pang mga tanggapan na pagtibayin ang pagsunod sa minimum health public standards.