Pagkilala sa Serbisyong Maliksi sa Ika-30 Anibersaryo ng BJMP – CALABARZON

Sa pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) – CALABARZON noong ika-25 ng Agosto, pormal na iginawad kay Mayor Emmanuel L. Maliksi ang Special Award for Local Government Unit noong ika-11 ng Setyembre sa Maliksing Kabataan kasabay ng pagkilala kay J/Supt. Erwin Breis bilang Best City Jail Warden.

Ang parangal na natanggap ni Mayor Maliksi ay pagkilala sa kaniyang mga kontribusyon at programa bilang tugon sa mga pangangailangan ng mga warden at Persons Deprived of Liberty (PDL) ng Imus City Jail.

Ilan sa mga ito ay ang pagpapagawa ng isolation area, karagdagang pondo para sa kabuuang operasyon, at mga programang nakatutok upang masiguro ang kaligtasan ng bawat inmate at kawani ng BJMP.

Nag-abot din ng pasasalamat si Mayor Maliksi sa serbisyo ng ahensya upang mapanatili ang kaayusan ng city jail. Dagdag pa niya, naging posible ang karangalan na natanggap ng Imus dahil sa natatanging pamumuno at paglilingkod ni J/Supt. Breis. Ibinahagi rin ng Punong Lungsod na malaki ang sakripisyong ginagampanan ng mga ito sapagkat namamalagi rin ang mga jail warden sa loob ng piitan upang masiguro ang kaligtasan ng mga inmate.

Isinaad naman ni J/Supt. Breis na ang parangal na ibinigay sa kaniya ay buhat ng pagkakaisa at pagtutulungan ng buong Imus City Jail, kabilang na ang suporta na ibinibigay ng Pamahalaang Lungsod at ng kani-kanilang mga pamilya. Patuloy din ang mga proyekto at programa ng BJMP Imus katuwang ang Pamahalaang Lungsod.

Patunay dito ang pagbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga PDL na may comorbidity at senior citizens sa pagbaba ng Bida ang May Bakuna program sa Imus City Jail bago matapos ang buwan ng Setyembre.

Para kay Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi, karapatan ng bawat isa ang makatanggap ng pantay-pantay na proteksyon mula sa gobyerno. Dahil dito, kaisa ng BJMP ang Pamahalaang Lungsod upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng mamamayang Imuseño.