Paskuhan sa Imus 2021 // Ang Pagbabalik ng Liwanag ng Paskuhan sa Imus

Maningning, makulay at masaya – Ito ang nakagisnang Paskuhan sa Imus taon-taon bago ang pandemya. Sa muling pagbangon ng Imus laban sa Covid-19, ibinalik ng Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ni Mayor Emmanuel L. Maliksi katuwang ang City Tourism and Development Office (CTDO), ang dating ningning at saya nito sa simpleng pamamaraan.

Bahagi ng Paskuhan ngayong taon ang iba’t ibang patimpalak at paggunita sa mga importanteng araw para sa mga importanteng indibidwal.

Ang Pagpapailaw ng Imus Plaza

Una nang ibinalik ang dating liwanag ng Imus Plaza noong Nobyembre bilang pagsalubong sa kinaugaliang Paskuhan sa Imus. Ang pagpapailaw sa Flag-inpsired na giant Christmas Tree ang naging hudyat ng pagbubukas nito.

Bukod sa mga makulay at magandang parol at mga pailaw, ito rin ay sinamahan ng iba pang mga palamuti at paboritong karakter ng mga bata. Itinuring naman ang Belen ng poong Hesus bilang sentro at pinakamahalagang bahagi sa Plaza.

Sa mensahe ni Mayor Maliksi, kanyang inilahad na importanteng maipadama ang diwa ng Pasko sa mga Imuseño sa pamamagitan ng simpleng pagbabalik nito. Kaniya ring binigyan diin na ang totoong diwa nito ay ang pagbibigay mula sa puso. Pinangunahan ng City Engineering Office, City Parks and Historical Sites Administration Unit at ng CTDO ang pagpapailaw sa Imus City Plaza.

Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birheng Inmaculada Concepcion

Ipinagdiriwang din ng buong Lungsod ang kapistahan ng Mahal na Birheng Inmaculada Concepcion, ang dakilang patroness ng Pilipinas, noong ika-8 ng Disyembre sa pamamagitan ng mga banal na misa sa iba’t ibang simbahan nito. Itinalaga ring special non-working holiday ang araw ng kapistahan ng Mahal na Birheng Maria alinsunod sa Republic Act No. 10966 taong 2017.

Pag-alaala sa ika-78 anibersaryo ng 13 Martir ng Imus

Binigyang pugay ng mga Imuseño, sa pangunguna ng CTDO, ang ika-78 anibersaryo ng 13 martir ng Imus noong ika-17 ng Nobyembre sa pamamagitan ng wreath-laying event. Ang 13 martir ay sumailalim sa brutal na pagpahirap at pagpatay ng mga Hapones gamit ang bayoneta sa magkakahiwalay na pangyayari. Kinilala ng mga Pilipinong impormante o mas kilala sa katawagang makapili o loro ang 13 martir bilang mga miyembro o may koneksyon sa United States Army Forces in the Far East o USAFFE at sa mga gerilya.

Pagbabalik ng Tanghalan ng Kampeon, Intensity 3 Dance Competition, at Lip Sync Battle

Hindi rin mawawala ang mga patimpalak na ibinibida ang mga talento hindi lamang ng mga Imuseño, ngunit pati na rin ang mga kababayan mula sa mga karatig bayan at lungsod.

Sa Tanghalan ng Kampeon Season 3 Beyond the Voice, nagpakitang gilas ang 10 naggagalingang mangaawit. Dito itinanghal na kampeon si Carlo Jorge ng Laguna, sinundan ni Kim Hernandez bilang 1st placer, at Carlo Flaga bilang 2nd placer.

Hindi rin nagpahuli sa Intensity 3 Dance Competition ang anim (6) na grupo ng mga mananayaw na nagpasigla ng entablado. Hinirang naman na kampeon ang Squad Up Trio ng General Trias. Hindi naman nagpahuli ang Reckless Crew Phil nang maiuwi ang 1st place at Supawnkz para sa 2nd place.

Nagpasiklaban naman sa performance ang mga kawani ng Pamahaalang Lungsod ng Imus sa Lip Sync Battle Employee Edition kung saan iginawad ang kampeonato kay Nanette Nuñez ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA). Napunta naman kay Zaldy Borja ng Youth Office ang 1st place, habang hinirang na 2nd placer si Val Abad ng Treasurer’s Office.

Ang lahat ng mga nagwagi ay nakatanggap ng cash prize at tropeo.

Himig ng Pasko Family Edition

Hinarana naman ng mga pamilyang Imuseño, gamit ang kanilang makukulay na kasuotan at naggagandahang boses, ang publiko sa Himig ng Pasko Family Edition ng Buklod Filipino Partylist. Apat (4) sa mga nangaroling na pamilya ang nakapag-uwi ng Php 5,000 at 10 sa mga nakilahok ang nakatanggap ng Php 1,000 aginaldo.

Ang mga tinanghal na panalo ay ang pamilya nina Celestino mula sa Carsadang Bago, Rosido ng Malagasang II-D, Costa mula sa Barangay Bayan Luma, at Zapico ng Buhay na Tubig.

Rizal Day

Ang paggunita sa araw ng kamatayan ng pambansang bayani ng Pilipinas tuwing ika-30 ng Disyembre ay isa sa pinakaimportanteng araw sa mga Pilipino. Sa temang “Rizal: Para sa Agham, Katotohanan, at Buhay,” nag-alay ng bulaklak si Mayor Emmanuel Maliksi kasama ang Bureau of Jail and Management Penology (BJMP), Bureau of Fire (BFP), Philippine National Police (PNP), at Knights of Columbus.