Pooled Testing sa Ospital ng Imus, Aprubado Na!

Inaprubahan ng Research Institute for Tropical Medicine-Department of Health (RITM-DOH) ang pooled testing sa Molecular Laboratory ng Ospital ng Imus noong ika-12 ng Abril.

Sa pamamagitan nito, mapapalawig at mapapabilis pa ang RT-PCR testing sa lungsod gamit ang mas kaunting materyales at mas mababang presyo para sa pagtukoy ng mga positibong kaso.

Layunin din nito ang mas epektibo na contact tracing, quarantine at isolation lalo na sa patuloy na pagtaas ng mga kompirmadong kaso.

Isinasagawa ang pooled testing sa pamamagitan ng pagkolekta ng sample ng mga indibidwal mula sa iisang grupo, pagsasama-samahin para makagawa ng “pool,” at sabayang isasalang sa testing. Kapag positibo ang resulta, muling isasailalim ang bawat sample sa magkakahiwalay na testing.

Ayon sa Memorandum No. 2020-0539 ng Department of Health o Interim Guidelines on the Conduct of COVID-19 Pooled Testing, dapat umabot sa limang (5) samples ang makokolekta sa isang (1) grupo upang maging posible ang pooled testing.

Ang mga kwalipikado rito ay mamamayan na mababa ang risk exposure, walang ipinapakitang sintomas, o walang interaksyon sa kumpirmadong kaso sa loob ng 14 na araw.

Hindi maaaring i-test ang mga indibidwal na nakakaranas ng mga sintomas ng COVID-19, kagagaling pa lamang dito, o nagkaroon ng exposure sa kumpirmadong kaso sa nakalipas na 14 na araw.

Bahagi rin ng proseso ng akreditasyon ang pagsailalim ng laboratoryo sa training ng Philippine Society Pathologists, Inc. (PSP), isa sa mga medical specialty society na kinikilala ng Philippine Medical Association pagdating sa larangan ng pathology at laboratory medicine.

Mapapahintulutan lamang ito kapag nakamit ang 85% na tugmang resulta ng pooled testing at ng pangkaraniwang individual testing. Naaayon din dapat ang proseso sa protokol at alituntunin na itinalaga ng DOH.

Inirerekomenda rin ang paggamit ng benepisyo mula sa PhilHealth, Health Maintenance Organizations, o Private Health Insurance at ang pagsunod sa ipinapatupad na price range para sa pooled testing.

Bukod sa agresibong testing at isolation, tuloy-tuloy din ang #BidaAngMayBakuna Campaign ng Pamahalaang Lungsod para sa pagpapabakuna ng mga priority group upang maiwasan ang malubhang sakit na dulot ng Covid-19.

Sa kinakaharap na krisis pangkalusugan ng bansa, patuloy ang paghahatid ng solusyong medikal ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pangunguna ni Mayor Emmanuel L. Maliksi, kaagapay ang City Health Office at Ospital ng Imus.