Rabies Awareness Month 2022 sa Lungsod ng Imus: “Rabies-free na pusa’t aso, kaligtasan ng pamilyang Pilipino: Magpabakuna na!

Rabies Awareness Month 2022 sa Lungsod ng Imus: “Rabies-free na pusa’t aso, kaligtasan ng pamilyang Pilipino: Magpabakuna na!

Sa pangunguna ng City Veterinary Services Office at sa pakikipagtulungan sa Philippine Pet Birth Control Center Foundation (PPBCCF), naghatid ng mga libreng serbisyo para sa mga alagang aso at pusa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus bilang pakiki-buklod sa National Rabies Awareness Month nitong Marso. Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon: “Rabies-free na pusa’t aso, kaligtasan ng pamilyang Pilipino: Magpabakuna na!”

Ayon sa Executive Order No. 84 na nilagdaan noong 1999, itinalaga ang buwan ng Marso bilang Rabies Awareness Month upang mapigilan ang pagkalat ng rabies sa mga aso at pusa. Layunin din nito na maprotektahan ang bawat pamilyang Pilipino mula sa sakit na hatid nito.

Sinimulan ang pag-iikot ng programa sa 24 na barangay sa Imus noong ika-8 ng Marso upang mahatid sa iba’t ibang komunidad ang bakuna kontra rabies. Sa pagtatapos ng buwan, 8,180 alagang hayop ang nakatanggap ng naturang bakuna, kabilang na ang 6,063 aso at 2,117 pusa.

Isinagawa naman ang malawakang pagkapon, deworming, at microchipping kasama ang PPBCCF sa Maliksing Kabataan Building noong ika-21 ng Marso. Dito, 223 na mga alagang hayop ang kinapon, 128 ang nakatanggap ng deworming, at 95 naman ang nakapagpa-microchip.

Sa datos ng Department of Health (DOH), 200 hanggang 300 Pilipino ang nasasawi kada taon dahil sa rabies. Lingid sa kaalaman ng karamihan na bukod sa kagat ng hayop, maaari din itong maipasa sa pamamagitan ng kalmot, o pagdikit ng laway sa sugat o kaya sa bibig, ilong, o mata na mayroong tinatawag na mucous membrane.

Mayroong mga paraan kung paano makakaiwas sa sakit na ito gaya ng pagpapabakuna ng anti-rabies vaccine sa mga alagang hayop; at kung makagat, makalmot, o malagyan ng laway ang parte na may sugat, hugasan agad ito at agad magpatingin sa doktor upang mabigyan ng karampatang lunas.

Patuloy ang pagsulong ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa mga programang makapagbibigay-proteksyon sa pamilyang Pilipino at pati na ang kanilang mga alaga. Bunga nito, abot-kamay na ang isang rabies-free na Imus.