Regular Cleanup at Solid Waste Management, Isinagawa sa Imus Public Market

Bahagi ng mga prayoridad ng Pamahaalang Lungsod ng Imus ang isang ligtas at malinis na kapaligiran. Bukod sa mga regular na programa gaya ng cleanup drives, basuraffle, at composting, pinaigting din ang pangongolekta ng mga basura sa pangunahing pamilihan sa lungsod sa pangunguna ng Imus Public Market Improvement Team (IPMIT).

Layunin din nito na masolusyonan ang lumalalang problema sa mga landfill area at daluyan ng tubig na malaki ang posibilidad na mapunta sa Manila Bay.

Ayon sa Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, kinakailangang mabigyan ng karampatang proteksyon ang kalikasan at kalusugan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maayos at epektibong solid waste management program.

Kasabay ng paglalaan ng mga basurahan upang mas maging epektibo ang pagpapatupad nito, naglabas din ang IPMIT ng Imus Public Market Waste Segregation at the Source Guideline kung saan may nakalaan na paglalagyan ang bawat basura.

Kabilang dito ang compostable wastes o mga basura na maaaring gamiting pampataba sa mga tanim, hazardous wastes para sa mga basura na mapanganib sa tao at kapaligiran, recyclable wastes o mga basurang muling magagamit, mga basurang non-toxic ngunit hindi maaaring mapakinabangan muli, at tapunan para sa mga pinagtabasan ng isda.

Nagbigay babala rin ang IPMIT na hindi kokolektahin ang mga basurang hindi makakasunod sa alituntunin. Kaugnay nito, may mga kaukulang parusa ang mga indibidwal na lalabag sa iba pang ordinansa tulad ng City Ordinance No. 02-55, Chapter XI Section 103 o ang pagbabawal ng pagtatapon sa loob ng Pamilihang Bayan ng mga basurang galing sa labas, at City Ordinance No. 02-35, S. 2015 Environment Code of Imus o ang pagbabawal na magkalat ng mga basura sa kalsada, pampublikong pasyalan, at pampublikong lugar.

Ang IPMIT ay inisyatibo ni Mayor Emmanuel L. Maliksi upang mas maisaayos ang kalagayan ng Imus Public Market. Kabilang sa mga kasapi ng organisasyon ay sina Market Administrator Nestor Camantigue, City Administrator Emoy Francisco, Environmental Consultant Leo Fajutagana, Engineering Office, City Environment and Natural Resources Office, at City Information Office.

Sa datos, kada buwan ay mahigit kumulang 300 tonelada o 1,648 sako ng basura ang nakokoleta mula sa Imus Public Market. Samantala, 50% ng basura sa buong lalawigan ng Cavite ang napupunta sa mga daluyan ng tubig, habang 90% nito ang nauuwi sa Manila Bay.

Patuloy ang Pamahalaang Lungsod sa pagsasagawa ng mga programa at proyektong makakatulong sa kapaligiran para sa mas maayos, malinis at maginhawang Imus. Ang problema sa basura, basta tulong-tulong at sama-sama, lahat ay makakaya!