Reproductive Health Pantry, Binuksan sa Lungsod ng Imus

Bahagi ng HIV-AIDS Awareness Campaign ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang pagbubukas ng kauna-unahang Reproductive Health Pantry sa lungsod sa pangunguna ng City Health Office at Imus Reproductive Wellness Center noong huling linggo ng Abril sa Velarde Health Center, Barangay Medicion I-C.

Kabilang sa mga libreng ipinapamahagi rito ang condoms, lubricants, pills at iba pang contraceptives. Bahagi rin ng programa ng Pamahalaang Lungsod ang libreng HIV at Syphilis Testing.

Nagsimula ang programa sa pagnanais ng pamahalaan na mailapit ang tulong at serbisyo sa mga mamamayan para sa pangangalaga ng reproductive health ngayong nasasailalim ang lungsod sa community quarantine.

Bukod sa Imus Reproductive Health Pantry, mas pinadali rin ang pagsailalim sa HIV Testing sa tulong ng programang ‘Test Landing on You’ ng City Health Office at Imus Reproductive Wellness Center. Dito, maaaring magpadala ng text message o tumawag sa kanilang numero, at ang mga kawani na ng tanggapan ang pupunta para maisagawa ang nasabing test.

Sa pamamagitan din nito mas mahihikayat pa ang bawat isa na sumailalim sa HIV Testing at makatanggap ng kaukulang atensyong medikal para sa mga magpopositibo rito.

Aniya ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi, bahagi rin ito ng hakbang ng pamahalaan upang mapangalagaan ang kalusugan at masiguro ang maayos na pangangatawan ng mga mamamayan lalong higit sa nararasang pandemya ng bansa.

Simula pa noong 2015, aktibong naghahatid ng libreng HIV Testing ang Imus Reproductive Wellness Center. Kabilang din sa mga libreng serbisyo nito ang HIV Awareness Counseling, HIV Screening, Syphilis  at STI Testing.

Sa bagong pamamaraan ng pamahalaan, nais nito na mawala ang diskriminasyon at makapaghatid ng kapanatagan sa bawat mamamayan na nakararanas ng ganitong kalagayan.