Safety Seal Certification: Pagsiguro sa Kaligtasan ng mga Mamimili sa Imus

Lungsod ng Imus – Pinangunahan ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi ang paggawad ng Safety Seal Certification sa ilang establisimyento sa Imus katuwang ang Imus Economic Investment Promotion Unit (LEIPO) noong ika-28 ng Mayo.

Ang Safety Seal Certification ay alinsunod sa DOLE-DOH-DILG-DTI Joint Memorandum circular No. 21-01 at Executive Order No. 77-2021 ni Mayor Maliksi upang masiguro na ang bawat business establishment ay sumusunod sa mga itinakdang health protocol para sa kaligtasan ng mga mamimili.

Ang pagkakaroon din nito ay nangangahulugan na ang establisimyento ay nakikiisa sa pagsasagawa ng malawakang contact tracing sa StaySafe.ph.

Maaaring maging Safety Seal Certified ang isang negosyo kung ito ay mayroong Mayor’s Permit, gumagamit ng StaySafe.ph sa contact tracing protocol at ipinatutupad ang Minimum Public Health Standards, kabilang ang lahat ng naaayong probisyon sa ilalim ng JMC 21-01.

Kabilang sa mga business establishment na maaaring magsumite ng aplikasyon ay ang mga mall, palengke, retail store, restaurants (hindi kabilang ang mga nasa hotel o resort), pinansyal na institusyon, pasyalan tulad ng art gallery, museum, library at zoo, sports center, testing at review center, gym, spa, sinehan, arcade at iba pang pribadong establisimyento.

Ang sertipikasyon na ito ay may bisa hanggang anim (6) na buwan.

Madali lamang ang proseso ng pagkuha nito. Kinakailangan lamang sagutan ang Safety Seal Assessment Form (SSAF) na matatagpuan sa Imus LEIPO Facebook Page. Bukas din ang tanggapan ng LEIPO para sa karagdagang katanungan ng mga negosyante na nais magsumite ng aplikasyon.

Kabilang naman sa mga unang ginawaran ng Safety Seal Certificate ang SM Center Imus, Robinsons Place Imus at Mcdonalds Vermosa.

Patuloy na hinihikayat ni Mayor Maliksi ang mga establisimyento na maging Safety Seal Certified at maging kaisa ng Pamahalaang Lungsod sa mga hakbang nito para sa kaligtasan ng bawat isang Imuseño.