Senior Citizens’ Week 2021: “Healthy and Productive Ageing Starts with ME”

Sa pagdiriwang ng Senior Citizens’ Week noong ika-1 hanggang ika-7 ng Oktubre, higit na binigyang halaga ng Pamahalaang Lungsod ang pag-alalay kina lolo at lola sa temang “Healthy and Productive Ageing Starts with ME.”

Pinangunahan ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at Imus Senior Citizens Association Inc. (IMUSCAI), katuwang ang Imus City Public Library, Inner Wheel Club of Mutya ng Imus, at Rotary Club of Imus, ang mga programang makakatulong sa kanilang kalusugan at sa maayos na pamumuhay ngayong panahon ng pandemya.

Sinimulan ang Linggo ng Katandaang Pilipino sa flag raising ceremony ng Pamahalaang Lungsod kung saan inilunsad din ang La La Read for Lolo and Lola. Ito ay isang programa ng Imus City Public Library, OSCA at IMUSCAI na naglalayong makapagbigay ng karagdagang kaaaliwan at kaalaman sa mga senior citizen sa pamamagitan ng paghiram ng mga babasahin.

Kinakailangan lamang magpadala ng pribadong mensahe sa Imus City Public Library Facebook page upang magkaroon ng library ID. Pumili ng topic o libro na nais basahin at ipagbigay alam ito sa Public Library. Ang mga libro at magazine ay ipapadala tuwing Biyernes sa Senior Citizen Presidents ng bawat barangay. Una nang isinagawa ang programa sa mga senior citizen ng cluster 8.

Karapatan nina lolo at lola ang abot-kayang serbisyong medikal. Bilang tugon, isang libreng webinar tungkol sa Universal Health Care Program ang inihatid ng PhilHealth. Layunin nito na ipagbigay-alam sa mga senior citizen ang mga benepisyo at serbisyo na maaari nilang mapakinabangan.

Pinangunahan naman ng OSCA ang pamimigay ng ambulatory aid kung saan 7,893 senior citizens ang nakatanggap ng mga bitamina at face masks. Namahagi rin ito ng 18 wheelchairs at 103 tungkod sa mga benepisyaryo.

Sa programang Rota-Wheel: Gulong ng Buhay, Sulong sa Pagtulong, namahagi ng 24 na wheelchairs ang Inner Wheel Club of Mutya ng Imus at Rotary Club of Imus na pinangungunahan nina Charter President Jelyn Maliksi at Life Changing President Arturo Rosaroso Jr.

Mahalaga na may karagdagang proteksyon sina lolo at lola. Sa pangunguna ni Mayor Emmanuel L. Maliksi, 150 pneumonia vaccine at 200 flu vaccine ang ibinigay sa senior citizens. Patuloy din ang City Health Office sa pagsasagawa ng flu vaccination sa bawat senior citizen sa lungsod, kabilang na ang mga bed-ridden.

Ang Senior Citizens’ Week ay mandato ng Proclamation No. 470 taong 1994. Ito ay upang maitaas ang kamalayan ng mamamayan sa kahalagahan ng pagsuporta sa kalusugan at kapakanan ng mga senior citizen sa bansa.

Hangad ng Pamahalaang Lungsod ang patuloy na pag-alalay ng mamamayang Pilipino kina lolo at lola upang masiguro ang kanilang kaligtasan at maayos na kalusugan.