SOCA 2022: Sa Imus, kasama ang bawat isa

SOCA 2022: Sa Imus, kasama ang bawat isa

Sa huling State of the City Address (SOCA) ni Mayor Emmanuel Maliksi noong ika-27 ng Hunyo, binalikan niya ang mga programang inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Imus sa nakalipas na taon.

Pagbangon ng ekonomiya at ng bawat pamilya

Isa sa mga tinututukan ng Pamahalaang Lungsod ang pagbibigay oportunidad sa pagkakaroon ng bagong trabaho, kaalaman sa negosyo, at pagpapatibay ng mga kooperatiba para sa mas mabilis na pagbangon ng mga Imuseño.

Sa pamamagitan ng mga job fair, livelihood skills training, at livelihood program, nagkaroon ng pagkakataon ang mga nawalan ng hanapbuhay na makapagsimula muli. Inilunsad din ang Safety Seal Certification Program na nagsisiguro ng mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health safety protocols ng mga business establishment. Muli namang nagbukas ang Business One-Stop Shop upang mapadali ang pagkuha ng business permits at iba’t ibang permit ng mga negosyo.  Sa kabuuan, mayroong 13,075 registered businesses sa Imus.

Pinatunayan din ang pagkilala sa Lungsod bilang Laboratory Cooperative Capital of the Philippines sa pagbubukas ng Cooperative Livelihood Training Center (CLTC), at ang paglunsad ng mga programang pangkabuhayan na One Coop, One Product at One Cluster, One Product na tampok sa itinayong Imus Pasyalubong Center. Isa rin sa Legacy Projects ni Mayor Maliksi ang Eskwela Kooperatiba kung saan inilunsad ang kauna-unahang child-welfare card sa bansa.

Edukasyon para sa lahat

Sinisiguro ng administrasyong Maliksi na ang edukasyon ay abot-kamay ng bawat Imuseño.

Sa pangalawang taon ng distance learning modality, tuloy-tuloy ang mga programang pang-edukasyon na inilatag nang magsimula ang pandemya. Isa na rito ang Project EMMANUEL o ang pamamahagi ng e-learning equipment sa mga estudyanteng nangangailangan ng electronic educational paraphernalia para sa kanilang pag-aaral. Inilunsad din ang Imus City Online Reference Assistance o Im CORA at ang KOHA Integrated Library System (ILS) para sa pagkakaroon ng alternatibong pamamaraan sa paggamit ng Imus Public Library.

Sa pagsasagawa naman ng pilot implementation ng limited face-to-face classes bago matapos ang taong 2021, nagmula sa Lungsod ng Imus ang isa sa 177 piling paaralan na lumahok dito. Isa rin ito sa dalawang eskwelahan mula sa City Division ng DepEd sa buong rehiyon ng CALABARZON.

Hindi rin natigil ang paghahatid ng iba’t ibang vocational at technical skills training para sa mga nais madagdagan ang kaalaman sa mga kasanayang makapaghahatid ng hanapbuhay.

Buong suporta naman ang ibinibigay sa mga manlalarong Imuseño tampok ang mga programang Project National Master: Chess Supremacy in Cavite at Maliksi On! Line Sports Clinic.

Mapayapa, maayos, at handang Imus

Mahalaga ang kahandaan ng publiko sa anumang kalamidad at sakuna. Kaya naman regular na nagsasagawa ng mga training at seminar ang lungsod tungo sa disaster resilient na pamayanan. Bahagi rito ang Disaster at Emergency Preparedness at ang paglahok sa Nationwide Simultaneous Earthquake Drills.

Pagdating sa payapa at maayos na Imus, kabalikat ng Pamahalaang Lungsod ang iba’t ibang departamento at ahensya ng gobyerno upang mapanatili ang kaayusan sa lungsod at kaligtasan ng bawat isa. Kasama sa layunin na ito ang Cognitive Behavioral Therapy Program na nakapaloob sa Legacy Projects ng Punong Lungsod. Simula nang ito ay inilunsad taong 2017, 2,222 drug surrenderers na ang nakatanggap ng reporma, kung saan 573 rito ang nakatapos ng rehabilitation sessions.  

Masaganang agrikultura

Moderno man ituring ang Lungsod ng Imus, nanatili pa rin ang agrikultura sa mga prayoridad ng administrasyong Maliksi, partikular na ang hanapbuhay at kapakanan ng mga magsasakang Imuseño.

Ang mga bunga ng Project Punla—isang proyektong naglalayong pataasin ang ani ng bigas at gulay sa pamamagitan ng organikong pagtatanim—ay kabilang sa mga quarantine pack na ipinamahagi ng pamahalaan sa mga kababayang nagpositibo sa COVID-19. Sa patuloy na pagsulong ng backyard gardening at organikong pagtatanim, ibinahagi ang mga libreng butong pananim upang mahikayat ang mga nais magsimula sa organikong backyard gardening. Mas pinatibay din ang pagbibigay lakas sa mga magsasaka sa pagbaba ng mga panibagong pamamaraan at kaalaman sa kanilang pagtatanim.

Tinitiyak din na ligtas ang mga karne na tinatangkilik ng mga mamimili. Para masunod ito, mahigpit na binabantayan ng lokal na pamahalaan ang kalinisan ng mga slaughterhouse sa lungsod. 

Malinis na kapaligiran para sa mga mamamayan

Isa sa mga mahahalagang isyu na kinakailangang harapin agad ay ang pangangalaga sa kapaligiran.

Sa pagpupursigi ng pamahalaan, malaking porsyento sa mga nakokolektang basura ang muling napapakinabangan sa pamamagitan ng Waste Minimization Project at Intensive Information, Education, and Communication Campaign on Waste Minimization. Regular din ang mga isinasagawang cleanup drive, kabilang na ang solid waste management sa Imus Public Market.

Nananatiling aktibo ang Green Schools Program na kabilang sa Legacy Projects ni Mayor Maliksi at maituturing na isa sa mga pinakamalaking inisyatibo ng kaniyang administrasyon sa pangangalaga sa kalikasan. Dito, ginagamit ng mga pampublikong paaralan ang Solar Energy System, Rainwater Harvesting System, at Sewerage Treatment Plant (STP) na nakakatulong tungo sa pagiging self-sufficient ng mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Maliksing pangangatawan at maayos na kalusugan

Sa mga pagsubok na dala ng pandemya sa kalusugan ng bawat isa, naging hudyat ito upang pagtibayin pa ang pagtugon sa mga usaping pangkalusugan—mula sa protocol para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, hanggang sa regular na serbisyong medikal ng mga mamamayan.  

Ipinagpatuloy ng pamahalaan ang pagbibigay ng mabilis at kalidad na serbisyong medikal, higit pa sa usapin ng maayos na pangangatawan at kalusugan ng mga sanggol, bata, at lactating mothers. Binuksan din ang kauna-unahang Reproductive Health Pantry kasabay ng pinadaling proseso ng HIV Testing para mabigyan ng angkop na atensyon ang aspeto ng reproductive health.

Bukod pa rito, iba’t ibang pasilidad, kagamitan, at serbisyo ang binuksan sa Ospital ng Imus para sa mas mataas na antas ng serbisyong medikal at pangkalusugan. Bahagi rito ang departmentalization ng mga doktor, pagbubukas ng Intensive Care Unit para sa mga COVID-19 patient, karagdagang dialysis machine at laboratory equipment, at ang pagkakaroon ng Cardiovascular Laboratory Services at CT-Scan Services.

Tuloy-tuloy rin ang pagtugon sa mga kaso ng COVID-19 sa pinaigting na contact tracing sa pamamagitan ng RT-PCR pooled testing at pagbisita ng Swab Cab ng Office of the Vice President sa Lungsod. Tuloy rin ang operasyon ng isolation facility ng Imus upang masiguro ang ligtas na paggaling ng mga nagpopositibo mula sa naturang sakit.

Pinatunayan din ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang kakayahan nito sa mabilis na pagbabakuna, sa COVID-19 vaccination campaign na Bida Ang May Bakuna. Dito, inilunsad ang kauna-unahang drive-thru vaccination, bukod sa tatlo pang pamamaraan ng pagbabakuna mula sa fixed vaccination sites, mobile vaccination, at house-to-house vaccination. Sa pagtatapos ng taong 2021, 82.43 porsyento na ng target na populasyon ang nabakunahan.

At bilang bahagi ng mga tahanan at komunidad, pinagtutuunan din ng pansin ang kalusugan ng mga alagang hayop sa pamamagitan ng mga programa at serbisyong naaayon sa kanilang pangangailangan tulad ng libre o murang Rabies Eradication and Control at Spay and Neuter.

Masiglang turismo

Ang mayamang kasaysayan at makulay na kultura ng Imus ay lubos na pinapahalagahan ng Pamahalaang Lungsod.

Taong 2021, sinimulan ang serye ng selebrasyon sa Arts Month kung saan inilunsad ang Profile of Significant Cultural Heritage Book of City of Imus at ang pagdaos ng isang exhibit na tinaguriang “Pamana.”

Sinundan naman ito ng paggunita ng ika-123 taon ng National Flag Day tuwing ika-28 ng Mayo, sa taunang Wagayway Festival na inaalala at ipinagmamalaki ang matagumpay na Labanan sa Alapan. Bahagi rin sa taunang pagdiriwang ang OctOverload o Service Month ng Lungsod kasabay ng paggunita sa Kapistahan ng Mahal na Patron Nuestra Señora del Pilar, o Nana Pilar sa mga Imuseño, kada ika-12 ng Oktubre.

Sa pagtatapos naman ng taon, muling nagliwanag ang Imus Plaza bilang pagsisimula ng Paskuhan sa Imus. Kasabay ng  mga makukulay na palamuti, at dekorasyon, naging tampok din ang mga programa at patimpalak na napapanahon sa kasiyahan at pagbabahagi sa kapwa tuwing Kapaskuhan. 

Maliksing pamamahala

Sa nagdaang taon, pinatunayan ng punong lungsod ang maliksing pamamahala sa paghahatid nito ng tulong pinansyal at medikal sa mga higit na nangangailangan. Tuloy-tuloy rin ang operasyon ng Bahay Kalinga, Women Development Center, at Halfway Home for the elderly. Naipasa rin ang 318 resolusyon at 25 ordinansa para sa pagsulong ng lungsod at kapakanan ng mga Imuseño, sa kabila ng kinakaharap na pandemya.

Ilang mahahalagang pampublikong pasilidad ang ipinatayo at ipinaayos ng Pamahalaang Lungsod. Kabilang dito ang 29 na construction at repair projects, kung saan kabilang ang rehabilitasyon ng Imus Public Market at ang pagkakaroon nito ng Elevated Parking, at ang pagpapatayo ng Bahay Silangan at ng Vermosa Community Action Center

Prayoridad din ang paglipat ng 10 pamilyang naninirahan sa prone-to-risk areas sa Bahay Kalinga para sa mas ligtas nilang tirahan.

At bilang bunga ng Legacy Projects ni Mayor Maliksi, maipapamana nito ang bagong tahanan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus: ang bagong City Government Center. Ayon sa alkalde, maasahan ng mga Imuseño ang serbisyong “mas mabilis, moderno, at mas epektibo” sa bagong sentro ng lokal na pamahalaan ng lungsod.

Kasama ang bawat isang Imuseño

Hangad ng Pamahalaang Lungsod na walang Imuseño ang maiiwan sa progreso at pag-asenso nito. Para tuparin ito, patuloy ang paghahatid ng mga programang umaagapay sa iba’t ibang sektor.

Sa pagbibigay prayoridad sa mga senior citizen, inilunsad ng pamahalaan ang Tutok Senior kung saan magkasabay na ibinigay sa mga lolo’t lola ng lungsod ang kanilang subsidiya at ang COVID-19 vaccine. Tuloy-tuloy rin ang pagpapahalaga sa kapakanan ng mga person with disability (PWD) sa lungsod, sa pamamagitan ng aktibong paghahatid ng PWD IDs and Booklets at PWD Assistance.

Iba’t ibang programa naman ang isinagawa para alalayan ang mga kabataang Imuseño tungo sa pagkamit ng kanilang natatanging potensyal. Bahagi rito ang 5th at 6th Outstanding Kabataan (OK) Awards, mga programang pang-nutrisyon, at mga webinar-workshop. Buong suporta rin ang ibinibigay ng pamahalaan para sa pagsulong ng mga kababaihan sa Imus. Sa taunang selebrasyon ng Women’s Month, itinampok dito ang iba’t ibang programa at serbisyong pangkalusugan para sa sektor ng kababaihan.

Bawat sektor, bawat grupo, at bawat komunidad ay kasama. Mula noon at hanggang ngayon, ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ay nakatutok sa mga programang tunay na epektibo, at hatid ang kaunlaran na ramdam ng mas marami.

Ani Mayor Maliksi, “walang Imuseño ang maiiwan, ‘yan ang layunin na dapat nating lagi pagsikapan.”

Sa Imus, kasama ang bawat isa.

#             #             #