Special Risk Allowance para sa mga Health Worker sa Imus, Nagsimulang Ipamahagi

Sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni Mayor Emmanuel L. Maliksi ang pamamahagi ng Special Risk Allowance (SRA) na may kabuuang halaga na 30 milyon para sa 863 na Covid-19 health workers noong ika-31 ng Agosto sa Maliksing Kabataan Building.

Kabilang sa mga pribadong ospital na nakatanggap ng SRA ang Medical Center Imus, Imus Family Hospital, Paredes Medical Center and Hospital, South Imus Specialist Hospital, City of Imus Doctors Hospital, at Our Lady of the Pillar Medical Center. Bukod pa rito ay ang pamamahagi ng allowance ng Pamahalaang Lungsod sa mga Barangay Health Worker (BHW) na siyang katuwang ng nito sa pagtugon sa mga kaso ng Covid-19 sa mga barangay at pagpapabakuna ng mga mamamayan sa bawat vaccination site.

Sa pahayag ni Mayor Maliksi, kabilang sa mga prayoridad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang kapakanan ng mga health worker. Ito ay bahagi na rin ng pasasalamat ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa walang humpay na serbisyo at sakripisyo ng mga modernong bayani ngayong nahaharap ang bansa sa isang matinding krisis pangkalusugan.

Ang pamamahagi ng SRA ay alinsunod sa Administrative Order (AO) No. 42 na nilagdaan noong Hunyo 2021.

Ang Special Risk Allowance ay ibinibigay sa mga kwalipikadong medical frontliner, regular man o hindi. Ang halaga ng naturang allowance ay hindi lalampas sa Php 5,000 para sa bawat 22 araw simula ika-15 ng Setyembre 2020 hanggang ika-30 ng Hunyo 2021 ayon sa panuntunan na nakasaad sa Joint Circular No. 1 na inilabas ngayong taon ng Department of Budget and Management (DBM) at ng Department of Health (DOH).

Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19 at sa banta ng Delta variant sa kalusugan at buhay ng mga mamamayan, malaki ang ginagampanang tungkulin ng bawat health worker upang masiguro na natutugunan ang pangangailangang medikal ng bawat pasyente.