Swab Cab, Umarangkada sa Imus

Noong ika-27 ng Abril ay umarangkada sa Imus ang Swab Cab, isang libreng nasal swab rapid antigen testing service mula sa Office of the Vice President.

Sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, matagumpay na naihatid ang serbisyong ito sa mga barangay ng Medicion 2-C, Bayang Luma 4 at Anabu 2-F.

Ang Imus din ang kauna-unahang lungsod sa labas ng National Capital Region (NCR) na maikutan ng programa.

Bukod sa libreng COVID-19 testing, ang mga nagpa-test ay nakatanggap din ng dalawang kilong bigas at care kit na naglalaman ng mga face mask at face shield.

Mula sa 489 na sumailalim sa antigen testing, 28 dito ang nagpositibo at nakatanggap ng relief packs. Ito ay may lamang bigas at canned goods bilang tulong sa kanilang pamilya habang sila ay sumasailalim sa isolation.

Pinasalamatan ni Mayor Emmanuel L. Maliksi sina Vice President Leni Robredo, mga healthcare worker, at ang mga Imuseñong nakiisa sa programa.

Ayon kay Mayor Maliksi, ang Swab Cab project ay malaking tulong sa inisyatibo ng Pamahalaang Lungsod na paunlarin pa ang mass testing sa Imus. Ito ay bahagi ng kaniyang pagtugon sa mataas na bilang ng COVID-19 cases sa lungsod.