220 hired on-the-spot mula sa PESO job fair!

220 hired on-the-spot mula sa PESO job fair!

Sa pangunguna ng Public Employment Services Office (PESO) Imus, 220 sa 321 kabuuang bilang ng mga aplikante ang kwalipikado o natanggap agad sa trabaho sa isinagawang tatlong araw na job fair mula ika-20 hanggang 22 ng Abril sa SM Center Imus at mga barangay Medicion II-C at Malagasang I-E.  

Katuwang ang 34 na kompanya, ang naganap na job fair ay nakapagbigay ng karagdagang mga oportunidad sa mga Imuseñong nangangailangan ng trabaho.

Hindi na rin kinailangang magdala ng iba’t ibang dokumento ang mga aplikante sapagkat resume at vaccination card lamang ang ipapakita para makibuklod sa job fair.

Nagbabalik din ang Special Program for Employment of Students (SPES) na muling tumanggap ng mga Imuseñong kasalukuyang nag-aaral at mga out-of-school youth noong ika-4 ng Abril. Dito, binibigyang pagkakataon ang mga computer literate o may kaalaman sa paggamit ng kompyuter na magkaroon ng karagdagang mapagkakakitaan pagsapit ng bakasyon.

Nananatili pa rin sa 6.4% ang unemployment rate sa bansa o humigit-kumulang 3.13 milyong Pilipino ang walang trabaho ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) Pebrero ngayong taon. Wala itong ipinagkaiba sa datos na kanilang inilabas sa pagsisimula ng taon.

Patuloy ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni Mayor Emmanuel Maliksi, sa pagsasagawa ng mga programang pang-hanapbuhay upang maitaas ang antas ng pamumuhay ng mamamayang Imuseño at Pilipino.