Tuloy ang Serbisyo: Ang Karanasan sa Covid-19 ni Mayor Maliksi

Hindi nakikita at walang pinipili – ito ay ilan lamang sa mga paglalarawan sa Covid-19 dahil sa mabilis at patuloy na pagkalat nito sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo. Naging malaking hamon ito sa mga negosyo, pamahalaan at lalong higit sa pamumuhay ng mga mamamayan.

Sa kabila ng matinding pag-iingat habang patuloy na nag-iikot at naglilingkod sa mga mamamayang Imuseño, malungkot na ibinalita ni Mayor Emmanuel L. Maliksi na siya ay nagpositibo sa Covid-19 noong ika-15 ng Agosto at sumailalim sa isolation sa South Imus Specialist Hospital.

Inanunsyo ito ni Mayor Maliksi sa kaniyang official Facebook page noong ika-16 ng Agosto. Sa pahayag ng Punong Lungsod, ilang araw bago siya magpositibo ay sumailalim pa ito sa RT-PCR test noong ikaw-12 ng Agosto at antigen test sa mga sumunod na araw. Pagsapit ng Linggo ng gabi, sumama na ang kaniyang pakiramdam at nakaranas ng kaunting pag-ubo at lagnat.

Sa ospital ay naghintay pa ito ng bakanteng kwarto buhat sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Covid-19. Bukod sa regular na gamutan, isinailalim din ang Punong Lungsod sa CT scan at X-ray kung saan natuklasan na ito ay nasa initial stage ng pneumonia.

Sa kabila ng karamdaman nito, tuloy pa rin ang maliksing serbisyo para sa mga Imuseño. Habang sumasailalim sa isolation, patuloy pa rin ang pagtutok nito sa mga programa ng pamahalaan. Kabilang dito ang mga virtual meeting na kanyang pinangunahan at paglagda sa mga mahahalagang dokumento.

Dito rin niya napatunayan ang bisa ng bakuna sapagkat nakaranas lamang ang alkalde ng banayad na sintomas sa mga unang araw ng kaniyang pagkakasakit. Mariin din ang paalala ng Punong Lungsod sa mga Imuseño na maging tapat sa mga ibabahaging impormasyon, magpa-test, mag-isolate, at magpatingin sa oras na makaranas ng anumang sintomas.

Para sa alkalde, malaking tulong ang lahat ng suportang natanggap nito sa kanyang laban sa Covid-19. Pinasalamatan nito ang kaniyang pamilya at mga kaibigan, gayundin ang mga doktor at medical staff na umagapay at tumulong sa kanyang tuluyang pagpapagaling.

Matapos gumaling mula sa Covid-19 noong ika-28 ng Agosto at makumpleto ang kanyang 14-day mandatory quarantine, nagsimula na ring mag-ikot ang Punong Lungsod sa mga vaccination site upang masiguro ang maayos na daloy ng pagpapabakuna ng mga mamamayang Imuseño.

Bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan sa pagpapabakuna ang agresibong pag-iikot ng mobile vaccination sa mga barangay at pagbabakuna sa iba’t ibang sektor ng lungsod.