Tutok Seniors: Priority Vaccination at Cash Subsidy para kina Lolo at Lola

Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni Punong Lungsod Emmanuel Maliksi, ang programang Tutok Seniors noong ika-19 ng Hulyo upang higit na mapangangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga senior citizen lalong higit na nahaharap ang bansa sa isang matinding krisis pangkalusugan.

Layunin nito na mabigyan ng karagdagang proteksyon at kaukulang tulong pinansyal ang mga senior citizen sa pamamagitan ng magkasabay na pagbabakuna at pagbibigay ng subsidiya kaakibat ang pamamahagi ng Imus Citizen Card ng SquidPay.

Sa pamamagitan ng Imus Citizen Card, mas maginhawa at ligtas na ang pamamahagi ng subsidy na gagawing cashless transaction na.

Bukod dito, maaari ring magamit ang Imus Citizen Card sa mga online payment transaction at remittance.

Katuwang ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at Imus Senior Citizens Association (IMUSCAI) na pinamumunuan ni Ms. Luzviminda Elbinias, sinimulan noong ika-19 ng Hulyo sa barangay Pasong Buaya II at Mariano Espeleta II ang pamamahagi ng Php 1,000 subsidy at ng Imus Citizen Card sa 27,156 na senior citizens.

Ang Imus Citizen Card o ang NFC Citizen Card ay bunga ng inisyatibo nina Mayor Maliksi at Vice Mayor Ony Cantimbuhan sa pakikipagtulungan sa SquidPay. Ito ay isang financial technology service na naghahatid ng online fund transfer, remittance, prepaid card service, online at offline payments, automated fare collections, at toll-fee payment na may mababang transaction fee.

Ang nasabing card ay maaari ring magamit sa mga mobile phone at accredited BancNet automated electronic machines (ATM).

Bahagi rin ng Tutok Senior na mabigyang prayoridad ang pagpapalakas ng resistensya ng senior citizens. Kaya’t simula ika-21 ng Hulyo, mas pinaigting ang pagbabakuna sa mga senior citizen kasabay ng pagdating ng Johnson & Johnson’s Janssen COVID-19 vaccine.

Dito, isang dose lamang ng bakuna ang kinakailangang iturok dahil makakapagbigay na ito ng sapat na karagdagang proteksyon sa mga senior citizen. Dahil dito, hindi na nila kinakailangang bumalik pa sa vaccination sites para sa pangalawang dose.

Kasabay ng pamimigay ng subsidiya, nag-ikot din ang Seniors’ Mobile Vaccination simula ika-26 hanggang ika-28 ng Hulyo sa mga barangay Malagasang I-A, Malagasang I-F, Malagasang II-A, at Anabu I-A.

Kaakibat din nito ang House-to-House vaccination para sa mga bedridden na senior citizen, na pinangungunahan nina Dr. Gelyn Golamco at Nurse Eric Akiatan ng City Health Office, sa mga barangay ng Mariano Espeleta I, Mariano Espeleta II, Mariano Espeleta III, at Pinagbuklod noong ika-30 ng Hulyo. Naging katuwang din ng vaccination team ng Ospital ng Imus (ONI), sa pangunguna ni Dr. Cherrie Lyn Tumilba-Boque at ang City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) sa matagumpay na pagbabakuna.

Sa pagtatapos ng Hulyo, umabot sa 18,108 seniors ang nabakunahan, kung saan 2,128 ang nakatanggap ng unang dose at 15,980 naman para sa pangalawang dose. Sa kabuuan, umabot na sa 41,899 ang bakuna na naiturok sa mga senior citizen: 21,018 dito ang nabakunahan ng unang dose habang 20,881 naman ang bilang sa pangalawang dose. Lagpas sa naunang bilang na humigit kumulang 30,000 senior citizens sa lungsod.

Inaabisuhan naman ang mga senior na nasa edad 66 na gulang pataas na magpadala na lamang ng kanilang mga kinatawan sa pagkuha ng subsidiya o ipagbigay alam ang nais na pagpunta sa kanilang mga tahanan kasabay ang pagturok ng bakuna.

Sa pahayag ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi mas magiging madali ang pagpapadala ng tulong pinansyal hindi lamang ng Pamahalaang Lungsod, ngunit pati na rin ng kanilang mga kamag-anak. Dagdag pa niya, puspusan din ang pagbabakuna sa mga senior citizen, lalo na at mayroong banta ng Delta Variant.

Sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, isa sa mga pinakaepektibong solusyon laban dito ay ang bakuna. Maraming mga pag-aaral ang nagsasabing nakakatulong ang bakuna upang maprotektahan ang indibidwal sa COVID-19 at sa malubhang epekto nito.

Sa tulong ng bakuna, naiiwasan ang malubhang sakit na dulot ng COVID-19. Makakamit lamang din ang kinakailangang proteksyon kung fully vaccinated ang isang indibidwal.

Magtatagal hanggang ika-9 ng Agosoto ang pamamahagi ng subsidiya at citizen card habang patuloy ang pagbabakuna ng Pamahalaang Lungsod.

Sa panahon ng krisis pangkalusugan, kaligtasan ng bawat isa ay paigtingin, magpabakuna kontra COVID-19.