Vocational at Technical Skills para sa mga Mamamayang Imuseño

Karagdagang kaalaman at vocational skills ang hatid ng Imus Vocational and Technical School (IVTS) at City of Imus Polytechnic Institute (CIPI) sa muling pagbubukas ng klase nito.

Ang IVTS ay isang TESDA accredited school na naglalayong matulungan ang mga out-of-school youth at mga walang trabaho na magkaroon ng kaalamang teknikal na maaaring makatulong sa kanilang ninanais na negosyo o paghahanap ng trabaho.

Sa patuloy na pagdami ng mga binuksang vocational course nito na ngayon ay umabot na sa 26 courses, malaki ang maitutulong ng programa ng pamahalaan sa mga mamamayan lalong higit ngayong may pandemya at tumataas ang bilang ng mga nawawalan ng trabaho at kita.

Tumatanggap din ang IVTS ng mga mag-aaral mula sa kalapit na bayan ngunit nananatiling prayoridad ang mga Imuseño na nais mag-aral dito. Sa pamamagitan lamang ng dalawang (2) 2×2 I.D. picture at Valid I.D. na may kasalukuyang residential address ay maaari ng mag-enroll.

Ang training ay tumatagal ng tatlong (3) buwan at pinapangunahan ng mga TESDA certified trainer kung saan ang karamihan ay Trainer’s Methodology Certificates (TM1) holder at ang ilan ay certified TESDA Assessors.

Ang CIPI naman ay mayroong tatlong (3) kurso na kinapapalooban ng Electrical Installation and Maintenance NC II​​, Mechatronics Servicing NC II​ at Technical Drafting NC II.

Ito ay bukas sa mga 18 taong gulang pataas. Kinakailangan lamang magpasa ng TESDA format I.D. pictures (1×1, 2×2 at Passport Size), photocopy ng PSA birth certificate at photocopy ng dalawang (2) valid I.D sa tanggapan ng CIPI.

Nagbukas din ang programa sa karagdagang oportunidad para sa mga nais maghanap ng trabaho.

Patuloy naman na hinihikayat ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi ang mga mamamayang Imuseño na maging bahagi ng programa. Kanya ring sinisigurado na ang mga tanggapan ay sumusunod sa mga itinakdang health protocol ng pamahalaan para sa kaligtasan ng bawat mag-aaral.

Ngayong nahaharap sa isang matinding krisis pangkalusugan ang bansa, naging malaking hamon ito para sa mga mamamayan at sa kanilang hanapbuhay. Sa pamamagitan ng ganitong programa, nabibigyan ng pagkakataon na matuto ang mga mamamayan ng iba’t ibang pamamaraan na maaari nilang magamit sa pagsisimula ng negosyo at paghahanap ng trabaho.