Wagayway Festival 2022: Pagwagayway sa Panibagong Bukas

Wagayway Festival 2022: Pagwagayway sa Panibagong Bukas

Dambana ng Pambansang Watawat (Heritage Park) — Ipinagdiwang ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ng City Tourism and Development Office (CTDO) kaisa ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ang ika-124 taon ng Pambansang Araw ng Watawat noong ika-28 ng Mayo, kung saan napagtagumpayan ng mga Pilipino ang kalayaan ng bansa sa Labanan sa Alapan taong 1898.

Sinimulan ang taunang seremonya sa pagtataas ng watawat na pinangunahan nina City Mayor Emmanuel Maliksi, Vice Mayor Ony Cantimbuhan, NHCP OIC-Executive Director Carminda Arevalo, Cavite Provincial Tourism Officer Elinia Imelda Rozelle Sangalang, at Salute to A Clean Flag Movement Founder Maria Simeona Cornelio-Pronove.

Pinangasiwaan naman ni G. Ritchie Glenn Heramia, guro ng Gen. Flaviano Yengko Senior High School, ang Panunumpa ng Watawat. Kabilang din sa seremonya ang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Inang Laya, simbolo ng kasarinlan ng mga Pilipino.

Sa pamamagitan ng isang audio-visual presentation, binalikan ang kwento sa likod ng taunang paggunita mula noong ika-28 ng Mayo 1898 hanggang sa kasalukuyang progreso ng Lungsod ng Imus.

Sa mensahe ni Mayor Maliksi, nanawagan siya ng mas malalim na pagkilala sa makasaysayang Labanan sa Alapan na naging hudyat upang iwagayway sa kauna-unahang pagkakataon ang watawat ng Pilipinas.

Kasama rin sa selebrasyon ang mga miyembro ng Philippine Navy—na pinangasiwaan ang seremonya—Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Veterans, at mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Sa parehong araw, itinanghal ang mga nagwagi sa tatlong patimpalak na inilunsad ng CTDO bilang bahagi ng pagdiriwang ng Wagayway Festival.

Sa Poster Making Contest na may temang “Pagbubuklod ng Pilipino Para sa Bayan,” pinarangalan si Steven Clark Caraig ng kampeonato. Sinundan naman ito nina Kurt John Hendrix Fineza at Precious June Andal bilang 2nd at 3rd placer.

Sa PhotoPandemya na may temang “Larawan at Paglalarawan: Images in Time of Pandemic (Mga Imahe sa Panahon ng Pandemya)” nasungkit ni Louie Reformado ang pinakamataas na pagkilala sa kaniyang kuha na “Walang Magawa.” Nakamit naman nina Ronald Sia at Aram Ferdinand Orense ang mga sumunod na pagkilala. Ang People’s Choice Award ay natanggap naman ni Christian Paolo Flores matapos makuha ang humigit-kumulang na pitong libong likes sa kaniyang larawan na inilabas sa opisyal na Facebook page ng CTDO.

Sa ipinakitang galing ng mga mananayaw na Imuseño gamit ang opisyal na Wagayway jingle sa HataWatawat TikTok Dance Competition, hinirang na kampeon ang SDO Imus City Dancers. Iginawad naman ang 2nd at 3rd place sa grupo na GENERALS at SINAG-TALA Performing Arts Group.

Tampok din sa Wagayway Festival 2022 ang iba’t ibang programang isinagawa ng mga tanggapan ng Pamahalaang Lungsod sa buwan ng Mayo.

iSEE Talks! ng Imus LEDIPO

Isinagawa ng Imus Local Economic and Investment Promotions Office (LEDIPO) ang ikatlo at ikaapat na Imus Seminars for Emerging Entrepreneurs (iSEE) Talks!: E-Skills for Entrepreneurial Growth ngayong taon noong ika-18 ng Mayo. Sa The 4Ps of Product Development, tinalakay ni Mr. Niño Martin Obrero, propesor ng Bicol State College, ang malikhain at makabagong pamamaraan sa paggawa ng isang produkto sa 60 indibidwal. Ibinahagi rin nito ang The Entrepreneurial Process of Product Development, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng pagiging maparaan sa pag-develop ng mga produkto kabilang ang 60 katao sa ika-25 ng buwan. Ang iSEE Talks! ay isa sa mga programa ng LEDIPO na may layuning magabayan ang mga negosyante at nais magnegosyo sa serye ng mga talakayan sa loob ng buong taon.

PESO Imus Passport on Wheels

Nagbalik naman sa Lungsod ang Passport on Wheels ng Department of Foreign Affairs (DFA), hatid ng Public Employment Services Office (PESO) Imus, nitong ika-20 ng Mayo sa Robinsons Place Imus. Sa tala, 547 pasaporte ng mga Imuseño ang naproseso nang hindi kinakailangang magtungo sa tanggapan ng DFA.

Mabilisang Proseso para Maging Lalamove Partner Driver

Sa pakikipagtulungan ng Lalamove sa Imus LEDIPO, 72 drayber ang naging opisyal na Lalamove Partner Driver noong 21 at 22 ng Mayo sa SM Center Imus. Dito, naging maagap ang proseso ng mga nais maging partner driver sa pamamagitan lamang ng limang hakbang: pag-sign up sa Lalamove website o application; pag-attend sa driver training; pagpasa ng kumpletong dokumento; pagbayad ng cash deposit; at pagsisimulang kumita sa oras na maaprubahan ang aplikasyon.

Wagayway Mega Job Fair ng PESO Imus

Bahagi rin ng pakikiisa ng PESO Imus ang pagdaos ng Wagayway Mega Job Fair noong ika-25 ng Mayo sa City Mall Imus. Kaakibat ang 23 kompanya, 140 sa kabuuang bilang na 323 aplikante ang natanggap agad sa trabaho.

Wagayway Trade Fair ng CICLEDO

Pinangunahan ng City of Imus Cooperative, Livelihood and Entrepreneurial Development Office (CICLEDO) ang Wagayway Trade Fair sa mga araw ng Mayo 26 at 27 sa Lotus Mall. Naging kabahagi rito ang 20 negosyong nagtatampok sa iba’t ibang produktong gawa ng mga Imuseño. Isa ang trade fair sa mga programa ng CICLEDO na naglalayong maisulong ang mga produkto ng mga lokal na negosyo.

Ipinagdiriwang ang Pambansang Araw ng Watawat tuwing ika-28 ng Mayo bilang hudyat ng pagsisimula ng Mga Araw ng Watawat na magtatagal hanggang ika-12 ng Hunyo. Alinsunod ito sa Executive Order No. 179 taong 1994 na nagpapalawig sa selebrasyon ng National Flag Day sa mga naturang araw. Idineklera naman ang ika-28 ng Mayo bawat taon bilang Pambansang Araw ng Watawat ayon sa Presidential Proclamation No. 374 na nilagdaan noong 1965.

Ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ang isa sa mga nangunguna sa paggunita sa Pambansang Araw ng Watawat at Labanan sa Alapan, patunay sa paniniwala ni Mayor Maliksi sa wastong pagkilala sa kasaysayan bilang susi sa pagsuong sa mga hamon ng panibagong bukas.