World AIDS Day 2021: “End inequalities. End AIDS,” Kasama ang Imus sa Laban

Pinangunahan ng City Health Office (CHO) at ng Imus Wellness and Reproductive Center (IWRC) ang paggunita ng World AIDS Day 2021 noong ika-1 ng Disyembre na may temang “End Inequalities, End AIDS.”

Ngayong taon, nakasentro ito sa pagpapaunlad ng kamalayan ng mamamayan sa mga pagsubok na nararanasan ng mga taong namumuhay ng may AIDS o HIV. Kabilang na rito ang hindi pantay na pagtrato, diskriminasyon, at ang hirap sa pagkuha ng mga serbisyo angkop sa kanilang pagpapagaling. Ang Pilipinas din ay itinuturing na pinakamabilis sa pagdami ng mga kaso ng HIV sa buong Asia at Rehiyong Pasipiko

Bukod sa regular na pamamahagi ng libreng condom, lubes, at pills, libreng HIV at AIDS Screening at Counseling, tampok din ang malikhaing pagdiriwang ng World AIDS day sa pamamagitan ng Battle of the Galaxy 2021 noong ika-15 ng Disyembre.

Kaisa rito ang siyam na kalahok mula sa LGBT community ng lungsod habang dala-dala ang mga titulong naka-base sa tatak ng Covid-19 vaccines.

Ito ay sina Miss Sinopharm, AstraZeneca, Sinovac, Pfizer, Johnson & Johnson, Sputnik Light, Moderna, Covaxin, at Gamaleya.

Hangad ng CHO at IWRC na magsilbing daan ang programang ito upang mabigyang pansin ang pantay na kahalagahan ng AIDS prevention at Covid-19 prevention. Itinuturing na isang global health crisis ang HIV na nangangailangan din ng sapat na atensyon buhat ng mga pagsubok at panganib na naidudulot nito sa mga apektadong indibidwal.

Patuloy din ang pag-iikot ng Reproductive Health Pantry ng CHO – Velarde at IRWC na nagsimula noong Abril 2021. Dito, maaaring makakuha ng mga kagamitan at serbisyo laban sa AIDS at HIV. Bukas naman ang tanggapan ng CHO – Velarde Lunes hanggang Biyernes mula ika-8 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon at Sabado at Linggo sa ika-8 ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali.

Kaisa rin ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang Vicente Isabel Multispecialty Clinic and Diagnostic Center Inc. na nagbibigay ng 50% diskwento sa kanilang HIV Screening tuwing Sabado.

Sa datos ng Department of Health (DOH), tumaas sa 33 ang bilang ng kaso ng HIV ngayong taon kumpara sa 22 noong 2020. Sa mahigit kumulang na 54,000 indibidwal na kabilang sa libreng antiretroviral therapy (ART) ng pamahalaan, 9,000 pa lamang dito ang nakatanggap ng kanilang kumpletong dose ng Covid-19 vaccine habang 3,000 ang nabigyan ng kanilang unang dose. 

Kaisa ng mga mamamayan ang Administrasyong Maliksi na mawakasan ang stigma at diskriminasyon sa mga namumuhay na may AIDS at HIV.