Youth Month, Ipinagdiwang sa Lungsod ng Imus

Hindi naging hadlang sa Pamahalaang Lungsod ng Imus ang kinakaharap na pandemya para sa makabuluhang pagdiriwang ng Youth Month ngayong buwan ng Agosto na may temang “Transforming Food Systems: Youth Innovation for Human and Planetary Health.”

Sa pangunguna ng Youth Affairs Office (YAO), isang buwang aktibidad ang inihanda para sa mga kabataang Imuseño. Kabilang dito ang Film Making Workshop kung saan tinalakay ang story writing o screenplay, cinematography, directing, production at editing kasama si award-winning director, Arvin “Kadiboy’ Belarmino.

Para sa mga youth entrepreneurs, isang webinar ang isinagawa sa ilalim ng YOUTHrepreneurship program sa temang “Creating Mindset in the New Normal Businesses.” Dito, tinalakay ang Youth in Online Business and Digital Marketplace at Fundamentals sa pangunguna ni Mr. Mikhail Josef Siy-Hian, Digital and Creative Marketing Omni Aviation Corporation Head. Isang makabuluhang talakayan din ang inihatid ni Mr. Nicolo Porteria, instructor mula sa Cavite State University para sa Fundamentals on Product Development.

Bumida rin ang mga maliliit na negosyo sa isinagawang BIZkarteng Kabataan, kung saan tampok ang promosyon ng mga ibinibigay na serbisyo at mga natatanging produkto ng bawat local business. Pagpapakita rin ito ng suporta sa mga negosyo na isa sa mga higit na naapektuhan ng nararanasang pandemya.

Noong ika-12 ng Agosto isinagawa naman ang Transforming Food Systems Webinar. Bahagi ng mga tinalakay dito ang sapat, ligtas, at abot-kayang pagkain sa panahon ng pandemya.

Bukod sa kaalaman sa iba’t ibang paksa, naghatid din ng saya at papremyo ang pamahalaan sa isinagawa nitong “Fundemic” noong ika-13 at 27 ng Agosto.

Kabilang din sa unang episode ng isinagawang programa sina Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi, Sangguniang Kabataan (SK) Federation Pres. Joshua Guinto at Local Youth Development Officer Dulce Bustamante, J.D.

Ipinamalas naman ng mga kabataan ang kanilang talento at pagiging malikhain sa isinagawang T.E.C.H. TALK: Graphic Design Workshop noong ika-18 ng Agosto. Dito, bumuo ang mga kabataan ng isang infographic kung saan nakapaloob ang mga Covid-19 Safety Protocol at paghikayat sa pagsunod dito.

Nagbahagi rin ng kaalaman ang ilang panauhin sa pagbuo ng visual at creative content sa pamamagitan ng Canva, PowerPoint at Adobe Photoshop.

Para sa karagdagang kaalaman sa pagbuo ng academic research paper, isinagawa ang YOUth Can Do It: Research Writing Workshop noong ika-20 ng Agosto.

Kakaibang husay at talento naman ang ipinamalas ng mga kabataang Imuseño sa ImusZINEo Zine Making Workshop noong Agosto 25 at Imus Social Media Fest noong ika- 31 ng Agosto, kung saan tampok ang paggawa ng TikTok video, short film at rap music writing.

Itinanghal naman ang Nazgul bilang Season 2 Champion ng Valorant Royal Rampage Tournament mula sa walong (8) grupong lumahok noong ika-28 hanggang 29 ng Agosto.

Nagbukas na rin ang aplikasyon para sa Outstanding Kabataan (OK) Awards kung saan kinikilala ang mga natatanging kabataan sa Imus.

Naniniwala ang administrasyong Maliksi sa malaking potensyal at kakayahan ng mga kabataan na manguna sa iba’t ibang larangan. Dahil dito, patuloy ang pagsulong ng mga programa para sa kanilang aktibong partisipasyon at higit na kaunlaran.