YOUth Shall Vote: Isang boto para sa pagbabago, handog ng Imus YAO at LCPC

YOUth Shall Vote: Isang boto para sa pagbabago, handog ng Imus YAO at LCPC

Ang pagbabago ay nasa kamay ng makabagong henerasyon.

Sa nalalapit na halalan, hinihikayat ng City of Imus Youth Affairs Office (YAO), sa pakikipagtulungan sa City of Imus Local Council for the Protection of Children (LCPC), ang mga kabataang Imuseño na bumoto para sa kinabukasan na nais nila para sa bansang Pilipinas.

Sa temang “YOUth Shall Vote: Isang Boto Para sa Pagbabago,” isinagawa ang ika-pitong Imus Social Media Fest (ISMF) noong ika-22 ng Abril, sa Maliksing Kabataan Building, tampok ang ilang kabataan at ang kanilang mga likha kaugnay ng epektibong paggamit ng social media na nagpapaalala sa kapangyarihan at karapatang bumoto ng mga ito.

Nagkaroon din ng isang webinar patungkol sa pagsulong ng pagbabago sa pamamagitan ng pagboto noong ika-8 ng Abril.

Pinangunahan ni Atty. Rowena Ricalde, co-convenor ng We the Youth Vote, ang usapin kaugnay ng “Whys of Voting: Why Should You Vote?” Ibinahagi nito ang mga tungkulin ng mga pangunahing posisyon sa pamahalaan. Sa pamamagitan nito, mas makikilatis ng mga kabataan ang mga kandidato. Dagdag pa niya, malaki ang epekto ng boto ng mga ito sapagkat 50% ng mga botante ay ang kabataan.

Tinalakay naman ni Jearnelle Ruth Audrey Roxas, isang Multimedia Producer ng Rappler, ang “Power of Voting: Your Guide in Assessing Our Next Leaders” kung saan inilahad niya ang mga katangiang dapat pagtuunan ng pansin sa pagpili ng ihahalal.

Pagdating sa proseso ng pagboto sa araw ng eleksyon, isinalaysay ni Election Officer IV Alicia Mojica ng Commission on Elections (COMELEC) Imus ang “Hows of Voting: Your Guide for the Election Day.” Dito, ibinahagi niya ang mga importanteng petsa at paraan ng pagboto sa halalan. Nagbigay paalala rin ito sa mahigpit na pagsunod sa ipinapatupad na minimum public health standards upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Samantala, itinanghal sa ISMF ang mga nagwagi na nagpamalas ng kani-kanilang talento sa iba’t ibang kategorya ng patimpalak bilang pakikiisa sa pagbabago ng kinabukasan ng bawat Pilipino.

Sa “Imusikabataan sa Halalan,” isang jingle making contest, hinirang na kampeon si Janmel Usman. Pinarangalan naman si Barry Emmanuel Alfonso ng 1st placer sa TikTok crash course making contest na “TuTok sa Eleksyon.”

Pagdating naman sa short silent film making contest na “Sinemuseño para sa Mayo,” nakatanggap ng pinakamataas na pagkilala at ng People’s Choice Award si Antonio Santos Jr. buhat ng kaniyang malikhaing sagot sa katanungan na: “Hanggang saan aabot ang boto mo?” Umani rin ng pagkakakilanlan si John Frederick Versoto matapos magwagi sa “I-TikTok Mo para sa Pagbabago” TikTok dance challenge at “Guhitroniko” digital arts making contest.

Kabataan, ipakita ang iyong kakayahang ihalal ang nararapat. Bumoto nang tama para sa bayan.